Sunday, October 01, 2006

Ang Noli Me Tangere sa Kasalukuyang Panahon

Hanggang sa kasalukuyang lipunang Pilipino ay masasalamin ang mga di kanais nais na lipunang Kastila. Katulad na lamang ng kabulukan ng sistema ng pulitika sa bansa na kabi-kabilang korupsyon. Katumbas ito ng mga pagkamkam ng lupa at iba pang di mabuting paggamit ng kapangyarihan ng mga prayle. Ngayon ay ginagawa naman ito ng mga pulitiko. Gayun din, ang impluwensya ng simbahan ay hindi pa rin natatanggal na kung uugatin ay babalik sa panahon ng mga Kastila. May kanser pa rin nga ang lipunan hanggang sa kasalukuyang panahon. Ibang klase nga lamang ito dahil ito ay komplikasyon nalang ng dating kanser noong panahon ng Kastila. Ito ay ang kanser ng kahirapan na komplikasyon ng kabi-kabilang korapsyon sa gobyerno at hindi mahusay na pamamahala.
Sa ngayon tayo ay napapasailalim pa rin sa impluwensya ng dayuhan, tinatawag nga itong neo-colonyalismo. Napapasailalim pa din tayo sa impluwensya ng mga Amerikano, wala nga lamang sila dito sa ating bansa. Hindi tayo direktang napapailalim ngunit pareho lang ng implikasyon.
Ang mga Basilio at Crispin ngayon sa ating panahon ay sinusbukang makipagsapalaran sa ibang bayan, ang ilan na nawalan na ng pag-asa ay tuluyan ng nanirahan sa sinasabi nilang mas saganang pastulan. Subalit mayroon pa din namang mga Basilio at Crispin ngayon na sa kabila ng kanser ng lipunan ng ngayong panahon ay patuloy na nagtitiwala dito at sa halip na umalis ng bayan ay mas piniling ilaan ang kanilag mga sarili sa pagsisislbi sa ating Inang Bayan.
Marami pa ring mga Dona Victorina sa ngayong panahon. Sila ang mahilig magtakip sa kanilang pagka-Pilipino dahil kulang nalang ay suka nila ang mga lokal na produkto dahil mahilig lamang sila sa gawa na mula sa ibang bansa. Kilala rin sila o tinatawag na “social climber”. Nagpapanggap na mayaman ngunit mahirap naman talaga. Hindi naman sila ganong kadominante sa kasalukuyng lipunan ngunit mayroon pa ring mangilan ngilan na nagbubuhat sa iba’t ibang antas at edad.
Sa isang positibong pananaw, mainam na kakaunti na lamang ang mga Maria Clara ngayon. Hindi tulad noon na ang mga kababaihan ay nakakahon sa paglalarawan na tahimik, mahinhin, at mabait; at sa gawain sa bahay na magsulsi, magluto at iba pang gawaing bahay na ang pinakamakabuluhan lamang ay ang magturo ng mga aral sa kanyng anak, sa ngayon unti unti ng nababalik ang mataas na pagtingin at mataas na gampanin sa lipunan. Unti-unti ng nagkakapantay ang tingin sa kababaihan at sa kalalakihan. Ang mga kayang gawin ng mga kalalakihan ay maari na ring gawin ng kababaihan. Ang karaniwang trabahong pangkababaihan na tulad ng nars at “care giver” ay pinapasok na din ng mga kalalakihan. At kung uugatin nga rin naman ag historya ng mga kababaihan sa Timog Silangang Asya ay sila ay may mataas na katayuan sa lipunan hindi tulad sa ibang bahagi ng Asya.
Ang Noli Me Tangere ay napapaalala sa atin ng paghihirap ng ating mga ninuno sa panahon ng pagkakaalipin sa mga dayuhan. Ito rin ay kwento ng isang ilustrado na sinubukang sinubukang baguhin ang sistema ng gobyerno ngunit hindi nagtagumpay.
Sa huling kabanata ng Noli Me Tangere ay namatay si Elias ng hindi nagbubukang liwayway, ibigsabihin ng hindi pa lumalaya ang bayan at nasa kadiliman pa. Sa mga mapalad, huwag lamang daw limutin nang ganap ang mga nasawi sa dilim ng gabi. Eto ang huling bilin ni Elias bago siya mamatay na huwag kakalimutan ang mga ninunong mga Pilipino, mga bayani na nagbuwis ng buhay upang makamtan natin ang liwanag na mayroon tayo ngayon. Nakakaiyak din at makabagbag damdamin ang huling bahagi ng Noli Me Tangere. Pahalagahan ang kalayaan at ang mga tao sa kabila nito. Mapalad tayo at hindi na natin naranasan ang dilim.

No comments: